Make your own free website on Tripod.com
 
share with ACMG how you feel! back to MAIN reflections pictures memorabilia FAQ Email Directory what's new?
back to Reflections page
ANG DIYOS KO'Y MAHINA

 isang malayang pagsasalin ni Albert Alejo sj
ng "My God Is Weak" ni Juan Arias

 
 
 


.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.

Ang Diyos ko'y hindi isang Diyos na matigas ang loob, 
mahirap lapitan, walang pakiramdam, hindi tinatablan, di marunong masaktan.

Ang Diyos ko'y mahina.
Kalahi ko lang siya. At kalahi niya ako.
Tao siya at ako naman ay halos Diyos na.
Minamahal niya ako kahit ako'y abo at alabok lamang para naman makatikim ako ng kabanalan.

Pag-ibig ang nagpapahina sa Diyos ko.
Nararanasan ng Diyos ko ang makataong saya, ang pakikipagkaibigan, ang sarap na dulot ng daigdig at lahat ng nasa daigdig.
Nararanasan din niyang magutom, mapagod, antukin. Nadama niya ang maraming bagay.
Nainis din siya at nagalit.
Banayad siya tulad ng isang bata.
Ang Diyos ko'y natakot din sa harap ng kamatayan.
Ang Diyos ko'y pinasuso ng kanyang ina at sa gayo'y nadama niya at nainom ang buong pggiliw ng isang babae.

Hindi naman niya talaga ginusto ang sakit at hindi rin siya naging kaibigan ng karamdaman.
Kaya nga pinagaling niya ang mga maysakit.
Nagtiis din siyang mapatapon sa ibang lupain.
Minsang usigin, minsan purihin.

Minahal ng Diyos ko ang lahat ng makatao: mga bagay at tao, tinapay at pagkababae, ang mabubuti at pati masasama.
Ang Diyos ko'y nakakagat sa kanyang panahon.
Kung ano ang damit ng iba, siya ring damit niya. Ang ginamit niyang wika ay wikang katutubo, ang wika ng kanyang bayan.
Nagpawis din siya at nagbanat-ng-buto.
At sumigaw siya tulad ng mga propeta.
Ang Diyos ko'y mahina kapag kaharap ay mahina, at mabagsik naman sa mga palalo.

Bata pa siya nang mamatay pagkat siya'y tapat.
Pinatay nila siya sapagkat, sa kanilang paningin, itinatakwil niya ang katotohanan.
Subalit ang Diyos ko'y namatay nang walang kinamumuhian.
Nang mamatay siya, siya pa mismo ang gumawa pa ng palusot para sa pumatay sa kanya. At lampas pa ito sa pagpapatawad.

Ang Diyos ko'y mahina.
Sinira ng Diyos ko ang matandang patakarang "ngipin sa ngipin", ang paghihiganting may kakitiran ng isip, upang simulan ang panahon ng pag-ibig at ng isang bagong himagsikan.

Ang Diyos ko, kahit na siya'y inilugmok sa lupa, subsob ang mukha, itinatwa, pinabayaan, walang nakaunawa, ay patuloy pa ring umibig.

Kaya nalupig ng Diyos ko ang kamatayan.
At sumibol mula sa kanyang mga kamay ang isang bagong bulaklak-- ang muling pagkabuhay!
Kaya't lahat tayo'y bumabangon mula sa ating libingan--lahat-- tao ma't mga bagay.

Ang daming mga taong nahihirapang tumanggap sa Diyos long mahina, sa Diyos kong umiiyak, sa Diyos kong ayaw ipagtanggol ang kanyang sarili!
Hirap silang tanggapin ang Diyos kong pinabayaan ng Diyos. 
Ang Diyos kong kailangang mamatay upang magtagumpay.
Ang Diyos kong humirang sa isang magnanakaw at kriminal bilang unang santo ng kanyang Simbahan.
Ang bata kong Diyos na pinagbintangang nanggugulo ng lipunan.
Ang Diyos kong siyang pari at propeta na namatay na biktima ng lahat ng nakakahiyang pag-uusig ng relihiyon sa buong kasaysayan.

Mahirap tanggapin ang Diyos ko, ang kaibigan ng buhay, ang Diyos kong nagdusa sa tinik ng tukso, ang Diyos kong nagpawis ng dugo bago maako ang kalooban ng Ama. 

Ang Diyos na ito, ang mahinang Diyos kong ito ay talagang mahirap matanggap ng mga naniniwalang ang tagumpay ay nasa pananakop,
na ang pagtatanggol sa sarili ay nasa pagpatay sa kapwa,
na ang kaligtasan ay nakasalalay sa lakas at hindi isang biyaya lamang mula sa itaas,
na ang kahinaan bilang tao ay makasalanan,
para sa nag-aakalang ang pagpapakabanal ay pamamanhid ng pakiramdam.

Ang Diyos kong mahina ay talagang mahirap matanggap ng mga taong patuloy pa ring nangangarap tungkol sa isang Diyos na tila hindi tao.
 
 

BACK

Have a favorite reflection that you want to share? Email it to me.