Ang
Diyos ko'y hindi isang Diyos na matigas ang loob,
mahirap lapitan, walang
pakiramdam, hindi tinatablan, di marunong masaktan.
Ang Diyos ko'y mahina.
Kalahi ko lang siya. At
kalahi niya ako.
Tao siya at ako naman ay
halos Diyos na.
Minamahal niya ako kahit
ako'y abo at alabok lamang para naman makatikim ako ng kabanalan.
Pag-ibig ang nagpapahina
sa Diyos ko.
Nararanasan ng Diyos ko
ang makataong saya, ang pakikipagkaibigan, ang sarap na dulot ng daigdig
at lahat ng nasa daigdig.
Nararanasan din niyang magutom,
mapagod, antukin. Nadama niya ang maraming bagay.
Nainis din siya at nagalit.
Banayad siya tulad ng isang
bata.
Ang Diyos ko'y natakot din
sa harap ng kamatayan.
Ang Diyos ko'y pinasuso
ng kanyang ina at sa gayo'y nadama niya at nainom ang buong pggiliw ng
isang babae.
Hindi naman niya talaga ginusto
ang sakit at hindi rin siya naging kaibigan ng karamdaman.
Kaya nga pinagaling niya
ang mga maysakit.
Nagtiis din siyang mapatapon
sa ibang lupain.
Minsang usigin, minsan purihin.
Minahal ng Diyos ko ang lahat
ng makatao: mga bagay at tao, tinapay at pagkababae, ang mabubuti at pati
masasama.
Ang Diyos ko'y nakakagat
sa kanyang panahon.
Kung ano ang damit ng iba,
siya ring damit niya. Ang ginamit niyang wika ay wikang katutubo, ang wika
ng kanyang bayan.
Nagpawis din siya at nagbanat-ng-buto.
At sumigaw siya tulad ng
mga propeta.
Ang Diyos ko'y mahina kapag
kaharap ay mahina, at mabagsik naman sa mga palalo.
Bata pa siya nang mamatay
pagkat siya'y tapat.
Pinatay nila siya sapagkat,
sa kanilang paningin, itinatakwil niya ang katotohanan.
Subalit ang Diyos ko'y namatay
nang walang kinamumuhian.
Nang mamatay siya, siya
pa mismo ang gumawa pa ng palusot para sa pumatay sa kanya. At lampas pa
ito sa pagpapatawad.
Ang Diyos ko'y mahina.
Sinira ng Diyos ko ang matandang
patakarang "ngipin sa ngipin", ang paghihiganting may kakitiran ng isip,
upang simulan ang panahon ng pag-ibig at ng isang bagong himagsikan.
Ang Diyos ko, kahit na siya'y
inilugmok sa lupa, subsob ang mukha, itinatwa, pinabayaan, walang nakaunawa,
ay patuloy pa ring umibig.
Kaya nalupig ng Diyos ko
ang kamatayan.
At sumibol mula sa kanyang
mga kamay ang isang bagong bulaklak-- ang muling pagkabuhay!
Kaya't lahat tayo'y bumabangon
mula sa ating libingan--lahat-- tao ma't mga bagay.
Ang daming mga taong nahihirapang
tumanggap sa Diyos long mahina, sa Diyos kong umiiyak, sa Diyos kong ayaw
ipagtanggol ang kanyang sarili!
Hirap silang tanggapin ang
Diyos kong pinabayaan ng Diyos.
Ang Diyos kong kailangang
mamatay upang magtagumpay.
Ang Diyos kong humirang
sa isang magnanakaw at kriminal bilang unang santo ng kanyang Simbahan.
Ang bata kong Diyos na pinagbintangang
nanggugulo ng lipunan.
Ang Diyos kong siyang pari
at propeta na namatay na biktima ng lahat ng nakakahiyang pag-uusig ng
relihiyon sa buong kasaysayan.
Mahirap tanggapin ang Diyos
ko, ang kaibigan ng buhay, ang Diyos kong nagdusa sa tinik ng tukso, ang
Diyos kong nagpawis ng dugo bago maako ang kalooban ng Ama.
Ang Diyos na ito, ang mahinang
Diyos kong ito ay talagang mahirap matanggap ng mga naniniwalang ang tagumpay
ay nasa pananakop,
na ang pagtatanggol sa sarili
ay nasa pagpatay sa kapwa,
na ang kaligtasan ay nakasalalay
sa lakas at hindi isang biyaya lamang mula sa itaas,
na ang kahinaan bilang tao
ay makasalanan,
para sa nag-aakalang ang
pagpapakabanal ay pamamanhid ng pakiramdam.
Ang Diyos kong mahina ay
talagang mahirap matanggap ng mga taong patuloy pa ring nangangarap tungkol
sa isang Diyos na tila hindi tao.
BACK
|